btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis News Archive Directory Menu

Si Ellen G. White at ang mga 'Sabadista'


Palaging nakikipagtunggali ang Cristianismo laban sa lalaki at babae na lumilihis sa mga katuruan ng Biblia maitatag lamang ng mga ito ang sarili nilang opinyon sa kaisipan ng maraming tao (Juan 1:9, 10). Dahil sa pagsambang ibinibigay sa mga karismatiko at tusong mga lider ng relihiyong ito, ang mga istrukturang naitatag sa palibot nila ay nararapat lamang na tawaging kulto (Latin cultus: care, adoration). Noong ika-18ng siglo ang sentrong kanlurang bahagi ng New York ay nagbunga ng dalawang maimpluwensyang kultong lider, sina William Miller at Joseph Smith.


Si William Miller (1782-1849) ay isinilang sa Pittsburg, Massachusetts. Isa siyang magsasaka sa New York, at naging kapitan noong digmaan ng 1812. Noong 1816 tinalikuran niya ang katuruang Deism at sinimulan niyang pag-aralan ang Biblia. Naging kapansin-pansin para kay Miller ang mga talata ng propesiya ni Daniel at ng Apocalipsis. Pagkatapos ng labing-apat na taon ng pag-aaral, nakumbinsi siya na alam niya ang tantsang oras at petsa ng Pagbabalik ng Panginoon [Advent]. Simple lang ito para kay Miller: ang 2300 araw ng Daniel 8:14 ay binilang bilang mga taon-araw, simula 457 BC. Kung kukuwentahin nang tama, magbabalik ang Panginoon sa loob ng labindalawang buwan simula sa Marso, 1843.


Dahil nilisensyahang mangaral ng isang iglesyang Baptist noong 1833, ibinahagi ni Miller ang kanyang mga pananaw sa mga publikong pagtitipon. Nang ang kanyang mensahe ay madaling tinanggap ng kanyang sabik, kung hindi man mga mangmang sa Bibliang mga tagapakinig, inilathala ni Miller ang kanyang mga pananaw (1836) na may pamagat na Evidence from Scripture and History of the Second Coming of Christ, about the Year 1843. Nang hindi dumating ang Panginoon noong Marso, 1844, kinuwentang muli ni Miller ang mga numero—at ipinakita na ang Panginoon ay magbabalik sa Oktubre 22, 1844. Ngunit wala ring naging pagbabalik sa petsang iyon.


Sa kabila ng napatunayan na siyang bulaan ng mga nabigong prediksyon na ito, nagawa ni Miller na mapanatili ang kanyang mga tagasunod. Inorganisa niya sila upang maging isang “simbahan” noong 1845, at nagsilbi bilang una nilang presidente. Nagpatuloy ang pagkakaisa hanggang noong 1846, nang mahati ang iglesya. Isang bahagi, na pinamunuan ni Gng. Ellen G. White, ay sinimulang pangalanan ang kanilang sarili bilang Seventh-Day Adventists o mas tanyag sa taguring “Sabadista.” Naganap ang paghihiwalay bunsod ng usapin sa Sabbath ng mga Judio, at ang kahulugan ng santwaryo sa Daniel 8. Mayroon ding sariling kakaibang mga turo si Gng. White.




MAKABAGONG PROPETANG BABAE?

Si Ellen Gould White ay isinilang noong 1827 sa Gorham, Maine (pumanaw noong 1915). Sa gulang na sampu, aksidenteng natamaan si Ellen ng bato na naging dahilan upang siya ay ma-koma nang tatlong linggo. Bagamang nabuhay siya, ang susunod na anim na taon ay ginugol niya sa pagpapagaling. Noong 1840, dumalo si Ellen sa isang pagtitipon ng pamamahayag ng ebanghelyo na pinangunahan ni William Miller. Namangha siya sa kanyang narinig, at siya’y sumampalataya. Nang hindi nagpakita ang Panginoon ayon sa prediksyon, siya at apat pang ibang babae ay nagdaos ng prayer meeting. Isang araw nagkaroon si Ellen ng pangitain na pumasok siya sa langit―kung saan sinabi sa kanya na hindi babalik ang Panginoon hangga’t hindi naihahatid ang ebanghelyo sa buong sanlibutan ayon sa Mateo 28:19, 20. Dapat magpakaabala ang mga Cristiano.


Gagampanan ni Ellen Gould ang kanyang bahagi. Mag-aasawa siya at palalaganapin ang ebanghelyo batay sa pananampalatayang Adventista, na karamihan nito ay lilikhain niya mula sa kanyang mayamang imahinasyon. Noong Agosto 30, 1846 napangasawa ni Ellen si Reverend James White. Naordinahan ito bilang ministro sa kilusang Adventista noong 1843.


Noong 1846, nang ang bahagi ng kilusang Adventista ay humiwalay sa orihinal nitong bahagi, si Ellen G. White ang lumitaw na modernong propetesa. Ang kapansin-pansin para sa mga ministro ng makasaysayan at totoong pananampalatayang Cristiano ay ang kanyang mga bagong katuruan tungkol sa mga partikular na doktrina ng: kamatayang pangtubos ni Cristo; si Satanas bilang tagapag-ako ng kasalanan; pagkakaroon ni Cristo ng makasalanan at nahulog na kalikasang tao; soul sleep; at ang Sabbath.


Upang makaakay ng sariling mga tagasunod mula sa kilusan, tinutulan ni Gng. White ang biblikal na doktrina na ang sakripisyong kamatayang pangtubos ni Cristo ang tanging paraan ng kaligtasan. Sabi ni Gng. White, “Ang paglilingkod ng mga saserdote sa buong taon sa silid ng santwaryo [na nasa langit at hindi sa lupa] …ay kinakatawan ang gawang paglilingkod na pinasok ni Cristo noong siya’y umakyat sa langit …Sa loob ng labing walong siglo nagpatuloy ang gawang paglilingkod na ito sa unang silid ng santwaryo. Ang dugo ni Cristo ay namamanhik para sa mga nagsisising makasalanan, tiniyak ang pagpapatawad at pagtanggap sa kanila ng Ama, ngunit ang kanilang mga kasalanan ay nananatili pa rin sa mga aklat ng talaan” (mula sa The Great Controversy).


Nagulantang ang mga konserbatibong ministro sa gayong mga bagong doktrina. Posible ba talagang ang mga kasalanan ay mapapatawad subalit nananatili pa ring nakatala sa mga aklat (konsultahin ang Roma 5:1, 2; 8:1)? Hindi pa natapos si Gng. White sa pagtutol sa pagiging ganap ng ginawa ni Cristo sa Krus kahit isinigaw pa ni Cristo na ‘Natapos na!’ (Juan 19:30). Muli ay sinulat ni Gng. White: “Kung paanong sa paglilingkod sa anino [iyon ay mga handog sa Lumang Tipan] mayroong pagtutubos [atonement] sa pagtatapos ng taon, kaya bago makumpleto ang pagtutubos ni Cristo sa mga tao magkakaroon ng gawang pagtutubos [atonement] para sa pag-aalis ng kasalanan mula sa santwaryo. Ito ang paglilingkod na nagsimula sa pagtatapos ng 2,300 araw [1844]. Sa araw na iyon, ayon sa inihula ni propetang Daniel, pinasok ng ating punong saserdote ang kabanal-banalan upang gampanan ang huling bahagi ng kanyang dakilang gawa na linisin ang santwaryo …sa bagong tipan ang mga kasalanan ng mga nagsisisi ay nailagay kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, sa katotohanan, ay inilipat sa makalangit na santwaryo …kaya ang aktwal na paglilinis sa [makalangit na] santwaryo ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pag-aalis, o pagbubura ng mga kasalanang nakatala roon. Ngunit, bago ito maisagawa, magkakaroon ng pagsisiyasat sa mga aklat ng talaan upang matukoy kung sino, na sa pamamagitan ng pagsisisi sa kasalanan at pananampalataya kay Cristo, ay may karapatan sa pakinabang ng Kanyang pagtutubos. Ang paglilinis ng santwaryo kung gayon ay kinabibilangan ng pagsisiyasat―isang gawa ng paghuhukom. Sila na sumunod sa liwanag ng ilaw ng salita ng propesiya ay nakita na, imbis na pagbabalik sa mundo sa pagtatapos ng 2,300 na mga araw noong 1844, pumasok si Cristo sa kabanal-banalan ng kalangitan, upang gampanan ang panghuling gawa ng pagtutubos bilang paghahanda sa kanyang pagbabalik” (mula sa The Great Controversy).


Ipinalagay ni Gng. White na mayroong santwaryo sa langit, may kasalanan sa langit, na ang santwaryo ay nagsisilbing isang “tagapamagitan” na nagdadala ng kasalanan ng marami sa kasalukuyan, at ang paglilinis at pagsisiyasat na ito upang matukoy kung sino ang karapat-dapat sa pakinabang ng pagtutubos ay nagsimula noong 1844 (konsultahin ang Efe. 2:8, 9; Rom. 1:17).


Sa ibang aspeto, dineklara ni Gng. White na si Satanas ay katuwang na taga-ako ng kasalanan at kahalili ng makasalanan. Ayon kay Gng. White, “Kapag inalis ni Cristo, dahil sa Kanyang sariling dugo, ang kasalanan ng Kanyang bayan sa makalangit na santwaryo sa pagsasara ng Kanyang paglilingkod, iaatang Niya ang mga iyon kay Satanas, na sa pagsasakatuparan ng paghatol ay siyang magdadala sa huling kaparusahan. Itinaboy ang kambing na pinagbubuntunan ng sisi [scapegoat] sa lupaing walang nakatira, at hindi na magbabalik pa sa Kapulungan ng Israel. Kaya habang panahong palalayasin si Satanas sa presensya ng Diyos at ng Kannyang bayan at buburahin ang kanyang buhay sa huling pagwasak sa kasalanan at ng makasalanan” (mula sa The Great Controversy). Hindi lamang tinatanggihan ng katuruang ito ang biblikal na doktrina ng pag-aaring ganap, kundi pinapalitan pa ng panghaliling pagdurusa ni Satanas sa pagdadala niya sa mga kasalanan ng bayan ng Diyos tungo sa lupain ng sukdulang kawalan ang panghaliling gawang pagtutubos ni Cristo sa Kalbaryo (tingnan 2 Ped. 2:1). Maraming talata ng kasulatan na binabanggit ang mahalagang dugo ni Cristo at kung ano ang Kanyang ginanap ang kumukundina sa gawa ni Satanas bilang katuwang sa pagtutubos: Lev. 17:11; 1 Ped. 1:19; 1 Ped. 2:24; Col. 1:20; Efe. 2:13; Juan 3:18; Rom. 8:1; Rom 3:24; 1 Juan 1:7.


Ang pangatlong doktrina na itinaguyod ni Gng. White at ng kanyang mga tagasunod na lumilihis sa makasaysayang pananampalatayang Cristiano ay si Jesus ay may nahulog (fallen) na makasalanang kalikasang tao. “Ang kaisipan na si Cristo ay ipinanganak ng isang imakulada o walang salang ina [ito ay katuruan ng Romano Catolico at hindi turong ebanghelikong Protestante], walang minanang inklinasyong magkasala, at sa kadahilanang ito ay hindi nagkasala, ay tinatanggal Siya sa mundo ng nahulog na sanlibutan, at sa mismong lugar kung saan ang saklolo ay kailangan. Sa Kanyang bahaging tao, minana ni Cristo kung ano mismo ang minana ng bawat anak ni Adan—isang makasalanang kalikasan. Sa bahaging diyos, mula sa pagkakalihi Siya ay ipinanganak sa Espiritu. At ang lahat ng ito ay ginawa upang ilagay ang sangkatauhan sa mataas na posisyon, at ipakita na sa gayon ding paraan ang bawat isa na ‘ipinanganak sa Espiritu’ ay magkakamit ng mga gayong tagumpay laban sa kasalanan at sa kanyang sariling masamang laman. Kaya ang bawat isa ay magtatagumpay kung paanong si Cristo ay nagtagumpay (Apoc. 3:21). Kung wala ang kapanganakang ito ay walang pagtatagumpay laban sa tukso, at walang kaligtasan mula sa kasalanan” (mula sa Bible Readings from the Home Circle, 1915 edition, konsultahin, Juan 3:3-7).


Taliwas sa katuruang ito ni Gng. White, sinasabi ng Biblia na ang mga Cristiano ay kabahagi ng kabanalan ng Diyos (Heb. 12:10), si Cristo at ang Diyos ay iisa (Juan 10:30). Si Jesus hindi maaaring maging parehong “banal” at “walang karumihan” at pagkatapos ay kabahagi rin siya ng nahulog na kalikasan, minana ang minana ng mga makasalanan, at pagkatapos ay wala siyang sala (Heb. 7:26; 4:15). Sinabi ni Jesus, “…dumarating ang pinuno ng sanlibutan. Siya'y walang kapangyarihan sa akin” (Juan 14:30). Sinasabi ng Biblia na “…sa kanya'y [Cristo] walang kasalanan” (1 Juan 3:5).


Ang pang-apat na katuruan ni Gng. White ay ang mga mananampalataya ay hindi napapasa-Panginoon kapag sila ay namatay, kundi mayroong “pagtulog ng kaluluwa” (soul-sleep). “Sa ibabaw ng pundamental na kamalian ng likas na imortalidad [kawalang kamatayan] ay nakasasalay ang doktrinang may kamalayan sa kamatayan, isang doktrinang tulad ng walang hanggang paghihirap, na salungat sa katuruan ng mga Kasulatan, sa dikta ng pangangatuwiran at damdamin ng pagiging tao. Ang teorya ng walang hanggang paghihirap ay isa sa mga bulaang aral na bumubuo sa alak ng mga pagkasuklam ng Babylon.” Sa katuruang ito ay tinalikuran ni Gng. White ang lahat ng mga talata ng Biblia na salungat sa sinabi niya. Sinabi ni Pablo sa 2 Corinto 5:6, “Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa [sa tahanan sa (sa literal)] Panginoon” (tingnan din, Lucas 16:19-31; Mat.23:43).


Isa pang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang katuruan ni Gng. White tungkol sa Sabbath. Inangkin ni Gng. White na nagkaroon siya ng pangitain kung saan dinala siya sa langit at ipinakita sa kanya ang santwaryo at ang mga gawain dito. Si Jesus mismo ang nag-angat ng takip ng kaban, at nakita niya ang mga tapyas ng bato kung saan nakasulat ang sampung utos. Namangha si Gng. White nang makita niya ang Ikaapat na Utos na nasa gitna ng sampung utos na pinalilibutan ng malamlam na sinag ng liwanag. Sinimulang ituro ni Gng. White na habang ang mga Cristiano ay nasa ilalim pa ng Kautusan ni Moises, ay tungkulin nilang sundin ang “pinakamaliit nitong mga utos,” at kaya dapat tupdin pa rin ang Sabbath ng mga Judio. Maglaon ay ikinatuwiran na noong AD 364, sa Kunseho ng Laodicea, binago ng Iglesya Romano Catolico ang Sabbath (sa ikapitong araw) at ginawang Linggo (ang Unang araw). Walang anumang suporta ang Kasulatan at ang kasaysayan sa iginigiit na ito ng mga Sabadista.





The Bastion of Truth

imageyoucanhear

A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.